ROXAS CITY – Tatlong mga Boy Scouts at isang pulis, kasama na ang isang ina ng Boy Scout ang sugatan sa pagsagi ng patrol car ng Mambusao PNP sa isang pampasaherong jeep kaninang umaga sa Brgy. Ondoy, Ivisan, Capiz.
Sakay ng naturang jeep ang mga Boy Scouts na galing sa Roxas City at papunta sana ng bayan ng Dao para sa taunang Provincial Boy Scout Jamboree,
Napag-alaman na nagsilbing convoy ang nasabing patrol car sa pagbisita ni General Herman Doria hepe ng Police Community Relations, sa lungsod ng Roxas kung saan ito ang naging representante ni PNP chief Director General Jesus Versoza sa isinagawang "Coastal Clean Up drive" ng Roxas City PNP.
Batay sa imbestigasyon, nang-agaw umano ng linya ang minamanehong Toyota Hilux police patrol ni PO3 Gerald Bienes sa lane ng jeep kaya nasagi ang reserbang gulong ng naturang jeep.
Isinugod sa iba't-ibang ospitalsa lungsod ng Roxas ang mga biktima.
Nagtamo ng sugat sa ulo si Don-don Declaro, 12-anyos, Paul Rey Barrientos at Michael Beluso na pawang mag-aaral ng Katipunan Village Elementary School, samantalanfg sugatan naman ang ina ni Beluso na sumamang maghahatid sana sa anak.
Nagtamo naman ng malaking sugat sa baba si PO1 Bonifacio Vergara matapos tumilapon sa kanila ang reserbang gulong na nakalagay sa gilid ng jeep .
Dahil sa pangyayari, ipinagpaliban ng team leader ang pagsali sa camping ng paaralan para bigyang pansin ang pagdebriefing sa mga kabataan na nagkaroon ng trauma sa insidente.
Napag-alaman ng Bombo Radyo Roxas na ang naaksidenteng bagong patrol car ay i-tuturn over pa lamang ngayong araw sa Mambusao PNP .
Subalit dahil sa pagbisita ni Gen. Doria ay hiniram ng 604th Provincial Mobile Group na na-assign sa 1st District ng Capiz ang nasabing patrol car para magsilbing convoy ng heneral.